Umaabot na sa 91-percent ng total beneficiaries sa Lungsod ng Maynila ang nakatanggap na ng tig-P4,000 na ayuda mula sa national government.
Katumbas ito ng nasa 346,301 na pamilya kung saan nanguna sa pamamahagi ng ayuda ang Manila Department of Social Welfare (MDSW).
Nagawa ito ng MDSW sa loob ng 23 na araw na pamamahagi sa buong lungsod.
Bukod dito, nasa 4,374 Persons with Disabilities (PWDs) at 1,485 solo parents na rin ang nakatanggap ng kanilang P4,000.00 na emergency financial assistance mula sa national government.
Target ng lokal na pamahalaan na tapusin ang pamamahagi ng ayuda sa mga susunod na araw pero hindi na nila ito paaabutin pa sa deadline na ibinigay ng pamahalaan sa May 15, 2021.
Muli rin panawagan ng Manila Local Government Unit sa mga hindi nakatanggap ng ayuda na makipag-ugnayan sa MDSW para malaman ang dahilan at para maisama sa listahan sakaling may matira pa na pondo.