Pinamamadali ng mga kinatawan ng ACT-CIS Partylist sa Kamara ang pamamahagi ng ayuda sa mga Pilipinong nangangailangan sa ilalim ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR plus.
Ayon kina ACT-CIS Partylist Reps. Niña Taduran, Eric Go Yap at Jocelyn Tulfo, nakakabahala ang sitwasyon lalo ng mga mahihirap at mga manggagawang “no work-no pay” dahil sa ECQ kaya marapat lamang na madaliin na ang pamimigay ng tulong pinansyal.
Pinuna ni Yap na dapat agarang maipamahagi ang ayuda dahil marami sa mga mahihirap na kababayan ang pinipiling makipagsapalaran at lumabas ng bahay para lang may ipangkain sa pamilya.
Sinabi naman ni Taduran na bukod sa pagkain ay problema rin ng mga ordinaryong mamamayan ang mga bayarin sa kuryente at ilaw.
Naniniwala naman si Tulfo na makukumbinsi lamang ang mga taong manatili sa tahanan ngayong ECQ kung maibibigay na agad sa lalong madaling panahon ang assistance.
Bukod sa ayuda ay hinimok rin ng mga kinatawan ang Local Government Units na mamigay rin ng health kit na naglalaman ng face mask, face shield, sanitizers, vitamins at supplements para pandagdag proteksyon laban sa COVID-19.