Sisimulan na ngayong araw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pamamahagi ng ayuda sa mga pamilyang apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay DILG Spokesperson Jonathan Malaya, 90% ng mga Local Government Unit (LGU) ang nakatanggap ng pondo mula sa ₱22.9 bilyong financial assistance.
Aniya, dapat makatanggap ang bawat indibidwal ng ₱1,000 habang maximum na ₱4,000 kada pamilya.
“Ngayon dito naman po sa ating ayuda mula sa national government ‘no, tama po kayo, ay natanggap na nang almost 90% ng mga LGUs iyong ayuda from the national government, iyong cash. Magsisimula po kami sa lungsod ng Parañaque sa umaga at sa hapon sa lungsod naman kami ng Caloocan. And then sa susunod na araw ay lungsod ng Maynila naman Mandaluyong and Valenzuela. At sunud-sunod na po iyan, ang ipamimigay naman po na tulong ng national government ay cash naman po ito which is a maximum of ₱4,000 per family,” ani Malaya.
Muli namang nagbabala si Malaya sa mga pulitikong gagamitin ang ayuda sa pulitikal na interes sa nalalapit na eleksyon.
Giit ni Malaya, mayroon lamang 15 araw ang mga alkalde na ipamigay ang ayuda, ito man ay cash o in-kind.