Pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng ipinasang bayanihan “To Heal as One Act”, pina-a-apura na ng isang mambabatas

Pinamamadali na ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa disbursement mechanism para sa pamamahagi ng emergency subsidies sa ilalim ng Bayanihan Act of 2020.

Katuwiran ni Salceda, kailangang gawin agad ang pamamahagi ng ayuda dahil urgent ang pangangailangang mabigyan ng tulong ang mga naka-quarantine na mga pamilya.

Pinatitiyak nito na walang mapag-iiwanan gaya ng layon ng ipinasang bill ng Kongreso na “To Heal as One.”


Suhestyon ni Salceda sa IATF, ikunsidera ang iba’t ibang listahan para masakop ang buong target sectors, at saka na lang mag-cross-check.

Dapat rin anyang buksan ito sa application kung saan kailangan lang patunayan ng benepisyaryo na apektado ito ng enhanced community quarantine at magugutom kapag walang tulong na matatanggap.

Dagdag pa ni Salceda, pwede nang magsimula sa Tax Reform Cash Transfer ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa COVID Adjustment Measures Program (CAMP) ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil bumubuo na ito sa 10 milyong households kaya idaragdag na lamang ang 8 milyong pang natitira para mabuo ang target na 18 million beneficiary households para sa emergency subsidy.

Facebook Comments