Cauayan City, Isabela- Nagsimula ng magpamahagi ng ayuda o indemnification sa mga magsasakang apektado ng African Swine Fever (ASF) sa ilang bayan ng Luna at Reina Mercedes sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso A. Edillo, mahigit P7M ang ibabahaging ayuda na hahatiin sa mga bayan ng San Isidro, San Guillermo, Quirino, Mallig, Roxas, Ramon, Echague, San Manuel, Gamu at San Pablo.
Aniya, ito ay bahagi ng inilabas na P8M mula sa Department of Budget and Management (DBM), sa pamamagitan ng DA Central Office at Bureau of Animal Industry (BAI).
Ang nasabing mga bayan ang pinakaapektado sa first wave ng ASF na kinabibilangan ng 200 hog raisers.
Pinasalamatan din ni RED Edillo ang mga barangay, city, municipal at provincial local government units (LGUs), Philippine National Police (PNP), Bureau of Animal Industry (BAI) at National Meat Inspection Service (NMIS) na nakikiisa sa pagsugpo ng ASF sa probinsya.
Ayon naman kay DA Regional Technical Director Roberto C. Busania, patuloy pa rin ang isinasagawang massive disease surveillance, hog depopulation at pagpapaigting sa mga checkpoint upang mabawasan ang apektado ng nasabing sakuna.
Base sa pinakahuling ulat ni Dr. Manuel Galang Jr., Veterinarian III at ASF Focal Person ng DA, umaabot na sa 39 munisipalidad ang apektado sa rehiyon pagkatapos na makapagtala ng bagong kaso ang Diadi, Nueva Vizcaya at Gonzaga, Cagayan kung kaya’t iminumungkahi ni RTD Busania na hindi dapat magpabaya dahil mayroon pa rin tayong naitatalang kaso ng ASF mula sa mga iba’t ibang lugar.