Pamamahagi ng Cash Assistance sa mga TUPAD Beneficiaries sa Region 2, Nagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Tuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng cash assistance sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment Region 2.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DOLE RO2, kanyang sinabi na umaabot na sa mahigit 11,000 benepisyaryo ng TUPAD sa rehiyon ang nabigyan ng tulong pinansyal.

Ayon kay Ginoong Trinidad, sa unang araw palang ngayong buwan ng Mayo, marami ng mga aktibidades at programa ang inilarga ng DOLE sa iba’t-ibang lugar sa rehiyon na tulong para sa mga nawalan ng trabaho o wala pang trabaho.


Masaya namang ibinahagi ni Trinidad na lalong dumami ang bilang ng mga benepisyaryo ngayon ng TUPAD Program na kasalukuyang tumatanggap ng cash assistance.

Nangako namang mamimigay ng kalahating milyon na tulong pangkabuhayan para sa mga manggagawang naapektuhan ng pandemya si DOLE Sec. Silvestre Bello III ito ay kung maaprubahan ang Bayanihan 3.

Sa mga nais aniyang sumali sa nasabing programa ng pamahalaan, maaaring magtungo sa tanggapan ng DOLE o di kaya’y sa mga PESO manager upang masuri at matulungang makapag-apply sa TUPAD Program.

Facebook Comments