Ilang estudyante na nais makakuha ng educational assistance ang pumila pa rin sa labas ng mga tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kahit hindi sila naka-rehistro online.
Ito ay kahit nag-anunsyo na ang DSWD na hindi na papayagan ang walk-in sa pamamahagi ng tulong pinansyal.
Karamihan sa mga nakapila sa tanggapan ng DSWD ay hindi pa nakakatanggap ng confirmation text at nagbabakasali na makakuha ng educational assistance bilang walk-in.
Nauna nang sinabi ng DSWD na hindi na pinapayagan ang mga walk-in transaction para sa financial assistance program matapos dagsain ng mga estudyante at magulang sa mga tanggapan ng ahensya noong Sabado.
Sa mga estudyanteng nais makakuha ng educational assistance, kailangan nilang mag-register online gamit ang google link na makikita sa mga official Facebook page ng DSWD offices.
Pagkatapos nito, makatatanggap ng text confirmation ang aplikante hinggil sa schedule ng pagkuha ng ayuda.
Sa mga pupunta naman sa payout area, magdala ng I.D., Certificate of Enrollment o anumang dokumentong nagpapatunay na kayo ay enrolled.