Muling nanawagan sa pamahalaan ang President Isko Movement – Isulong Kapakanan ng Pilipino (PRIMO ISKO) at Bus Transport Workers’ Alliance (BTWA) na ibigay na ang ipinangakong fuel subsidy sa gitna na rin ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ngayong pandemya.
Kasunod na rin ng isinagawang creative protest ng grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay PRIMO ISKO President Nato Agbayani, kaisa sila ng BTWA sa panawagan sa pamahalaan na singilin na ang P203 billion na estate tax ng mga Marcos na makakatulong bilang dagdag na ayuda para sa mga apektadong manggagawa.
Giit naman ni Jessie Olivar ng BTWA, libu-libong driver at operator ang nawalan ng trabaho ng ipatupad ang lockdown sa bansa dahil sa COVID-19 kung saan ang mas naapektuhan at naghirap ay ang mga naninirahan sa Metro Manila.
Base sa tala ng grupo noong 2017, nasa 176, 870 na mga empleyado ng mga bus tulad ng driver, mekaniko at kundoktor ang makakatanggap sana ng cash assistance, hindi pa kasama ng mga jeepney driver at tricycle drivers.
Bunsod nito, binatikos ng PRIMO ISKO si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa hindi nito pagbabayad ng utang sa gobyerno.
Sinabi ng grupo na magagamit sana ang nasabing halaga bilang dagdag na fuel subsidy sa transport sector.
Aniya, mula sa 203 bilyong pisong makokolekta sa mga Marcos ay nasa 250,000 pamilya mula sa apektadong sektor ang natutulungan.