Pamamahagi ng fuel subsidy, sinuspinde muna ng LTFRB

Courtesy: Arnel Tacson

Pansamantalang sinunspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang distribusyon ng fuel subsidy para sa mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan.

Bunsod ito ng pinaiiral na election public spending ban mula pa noong Marso 25 na tatagal hanggang Mayo 8, 2022.

Ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, 110,200 na PUV beneficiaries na ang nakatanggap ng subsidiya hanggang noong Marso 29.


Hindi naman bababa sa 22,000 taxi at UV express beneficiaries ang sumasailalim ngayon sa document validation, habang ang Department of Trade and Industry (DTI) ang magbibigay ng subsidiya sa 27,000 delivery services.

Samantala, hinihintay pa rin ng LTFRB ang listahan ng mga tricycle drivers mula Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Cassion, humiling na sila ng exemption sa Comelec para maipagpatuloy ang kanilang mga programa sa kabila ng spending ban.

Habang naghihintay ng desisyon, ipagpapatuloy umano ng LTFRB ang produksyon ng nasa 86,000 Pantawid Pasada Program cards para sa iba pang mga benepisyaryo.

Facebook Comments