Nagdesisyon ang Department of Health (DOH) na pansamantalang ipahinto ang polio vaccination sa ilang lugar sa Mindanao na naapektuhan ng malakas na lindol.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, maaari namang ipagpatuloy ang pagpapabakuna sa mga bata kapag natiyak na ang kaligtasan sa mga lugar na niyanig ng lindol.
Sinabi pa ni Duque na prayoridad din ng DOH ang kaligtasan ng kanilang mga health personnel at volunteers na nag-iikot o nagdodoor-to-door para magbigay ng libreng oral vaccine sa mga bata.
Matatandaan na nitong Lunes ay sinimulan ng DOH ang “Sabayang Patak Kontra Polio” na ginawa hindi lamang sa Maynila, kundi sa iba pang lugar sa Mindanao kung saan ang mga pinapatakan ng polio oral vaccine ay mga batang limang taong gulang pababa.
Ayon pa sa DOH, hindi lamang mga health centers at pampublikong ospital ang may pa-libreng bakuna, kundi maging sa ilang pribadong ospital.