Tuloy pa rin ang pamamahagi ng monovalent vaccines kontra COVID-19 sa publiko.
Ito ang inihayag ng Department of Health (DOH) sa kabila ng inilibas na Emergency Use Authorization (EUA) para sa bivalent COVID-19 vaccines ng Moderna at Pfizer.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, hindi nila ititigil ang pamamahagi ng monovalent vaccines lalo’t nananatili itong epektibo laban sa virus.
Gayunman, aminado si Vergeire na kung ikukumpara sa mga monovalent na bakuna, ay mas nagbibigay ng proteksyon ang bivalent vaccines laban sa malalang sakit na dulot ng mga bagong variant.
Sa ngayon, inaasahang ilalabas na ng DOH sa mga susunod na araw ang rekomendasyon at guidelines para sa priority population ng bivalent vaccines.
Pinag-aaralan naman ng ahensya kung maaari ring ibigay ang mga naturang bakuna sa general population ng bansa.