PAMAMAHAGI NG SOCIAL PENSION SA CAUAYAN CITY, MATAGUMPAY NA NATAPOS

Cauayan City, Isabela- Maayos at mabilis na natapos ang ginawang pamamahagi ng social pension sa mga senior citizens dito sa Lungsod ng Cauayan sa pangunguna ng mga kawani ng DSWD Region 2.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Office of the Senior Citizen Affairs Head Bebot Atienza Sr., wala aniyang naging problema sa kanilang pamimigay ng ayuda sa mahigit limang libong senior citizens mula sa 65 barangays bagay naman na kanyang ipinagpapasalamat.

Nitong June 7, 2022 nang umpisahan ang social payout sa Lungsod para sa ikalawang kwarter ng taon at natapos naman noong June 11 kung saan inuna ng grupo ng DSWD Region ang mga far-flung barangays o mga nasa forest region.

Bagamat isinagawa ang payout sa bawat barangay, may mangilan-ngilan pa rin sa mga benepisyaryo ang hindi nakakuha sa kanilang barangay kaya inabisuhan ang mga ito na kunin na lamang ang kanilang pension sa tanggapan ng OSCA at matagumpay naman nila itong nakuha.

Samantala, kasalukuyan naman ang ginagawang Validation sa mga benepisyaryo ng Unconditional Cash Transfer (UCT) Program ng DSWD para malaman kung buhay pa o patay na ang mga nasa kanilang listahan.

Nasa mahigit apat na libong senior citizens at non-pensioner naman ang maayudahan sa ilalim ng nasabing programa at sila ay tatanggap ng halagang kulang-kulang na tig-apat na libong piso.

Payo naman ni Atienza Sr sa mga senior citizens na hintayin muli ang schedule ng social payout para sa ikatlong kwarter ng taon. Inaasahan aniya na sa darating na Setyembre makukuha ang kanilang susunod na ayuda.

Facebook Comments