Pansamantala munang itinigil ngayong araw ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang pamamahagi ng vaccination appointment letters para sa mga tatanggap ng unang dose.
Ito ay dahil kulang na sa suplay ng COVID-19 vaccine ang lungsod at kasalukuyan pang naghihintay ng karagdagang suplay mula sa pamahalaan.
Bagama’t sa ibang vaccination venue ay tigil muna ang pamimigay ng vaccination appointment letters, sa Valenzuela City Astrodome ay tuloy naman ang bakunahan hanggang sa maubos ang suplay.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na agad ding ipagpapatuloy ang pamamahagi ng vaccination appointment letters sa ibang mga venue sa oras na dumating ang mga bagong suplay ng bakuna.
Hindi naman dapat mag-alala ang mga naka-schedule para sa second dose ng bakuna dahil tuloy pa rin ito at nakareserba na ang kanilang mga bakuna.