Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na napangangasiwa na ng Bangsamoro Airport Authority na nasa ilalim ng Ministry of Transportation and Communications (BAA-MOTC) ang pamamahala sa anim na airport na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Isinagawa ang paglalagda ng isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng DOTr, CAAP at BAA-MOTC sa Awang Airport sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte noong Setyembre 20.
Ayon sa DOTr, kabilang sa mga paliparan na pangangasiwaan ng BAA ay ang Cotabato, Sanga-Sanga, Wao, Sulu, Malabang sa Lanao del Sur at Mapun Airport sa Tawi-Tawi.
Pinangunahan ni CAAP acting Director General, Capt. Manuel Antonio Tamayo, DOTr Undersecretary for Aviation and Airports Roberto Lim, BARMM-MOTC Minister Dickson Hermoso at Deputy nito na si Abunawas Maslamama.
Paliwanag ng DOTr na ang nilagdaang kasunduan ay nakasalig naman sa pagpapatupad ng Republic Act 11504 o ang Bangsamoro Organic Law o BOL na siyang nagtatatag sa BARMM.