Pamamahala sa IATF, ibigay sa mga doktor at LGUs kung ayaw buwagin – Sen. Imee

Kinuwestyon ni Senator Imee Marcos ang pagbabawal ng gobyerno sa malalaking kompanya na makabili ng sarili nilang bakuna.

Kasunod ito ng umano’y draft order kung saan re-reviewhin ng Department of Health (DOH) at ng National Task Force Against COVID-19 ang lahat ng request sa pagbili ng bakuna para matiyak na ang mga private entities na makikibahagi sa kasunduan ay hindi related sa mga industriya o produktong “in conflict” sa public health.

Giit ng senador, kung tutuusin ay malaking kabawasan sa kargo ng gobyerno kung papayagang makabili ng bakuna ang mga pribadong kompanya para sa kanilang mga empleyado.


Maliban dito, kalahati ng kanilang bibilhin ay ido-donate pa sa gobyerno.

Matatandaang isa rin si Marcos sa mga mambabatas na nanawagan ng pagbuwag sa Inter-Agency Task Force dahil sa palpak na pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Kung hindi bubuwagin, iminungkahi rin niya na ibigay sa mga doktor at local government units ang pamamahala sa task force.

Paglilinaw ng senadora, hindi siya namumulitika sa halip ay nagbibigay lang ng konstruktibong kritisismo.

Facebook Comments