Walang nakikitang mali o kwestyunable ang mga Senador kahit nasa kaniyang bahay sa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte nitong weekend habang binabayo ng Bagyong Rolly ang ilang rehiyon sa bansa.
Giit ni Senate President Vicente Tito Sotto III, nasa Pilipinas pa rin naman ang Pangulo at napaka-aktibo nito sa web o internet kaya nagagampanan pa rin ang trabaho.
Ayon kay Sotto, nakamonitor ng mabuti ang Pangulo at nakapagbibigay ng agarang direktiba kaugnay sa pananalasa ng bagyo.
Dagdag pa ni Sotto, kaya rin may mga miyembro ng gabinete at mga lokal na opisyal ay para maging kinatawan ng gobyerno at ng Pangulo.
Diin naman ni Senator Christopher Bong Go, kahit nasa Mindanao ay nagtatrabaho si Pangulong Duterte at tinitiyak na laging handa ang mga ahensiya ng gobyerno lalo na sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Binanggit ni Go na nagpatawag din ng briefing ang Pangulo sa mga kinauukulang ahensiya para malaman ang mga huling kaganapan.
Paliwanag naman ni Senator Richard Gordon, may pribilehiyo ang Pangulong Duterte na magtrabaho sa kaniyang tahanan sa Davao City.
Para kay Gordon, hindi dapat isipin na hindi nagtatrabaho ang Pangulo porke hindi ito nakikita.
Ipinunto pa ni Gordon na dapat ding mag-ingat ang Pangulo na mahawahan ng virus dahil mas malaking problema para sa bansa kapag ito ay nagkasakit ng malubha.