Sa November 16, 2020 na pagtitibayin sa ikatlo at huling pagbasa ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) matapos itong aprubahan bigla kahapon sa gitna ng budget deliberation sa plenaryo.
Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, sa oras na maaprubahan sa November 16 na siya ring pagbubukas ng sesyon, ay agad na isusumite sa Senado ang P4.5 trillion na panukalang pondo sa 2021.
Paliwanag ni Cayetano, bagama’t ipinasa na ang P4.5 trillion proposed 2021 budget sa ikalawang pagbasa at nag-suspend na ng sensyon ang mababang kapulungan ay tuloy pa rin aniya ang kanilang pagta-trabaho.
Kaugnay rito ang special committee na inatasan para sa individual at committee amendments sa panukalang pambansang pondo na isusumite naman hanggang sa November 5.
Mababatid na unang ipinangako ni Cayetano na ngayong darating na Biyernes, October 9, ay ipapasa sa ikalawang pagbasa ang 2021 budget at bago ang Undas break sa October 16 ay aaprubahan naman ito sa ikatlo at huling pagbasa.
Hinikayat naman ni Cayetano ang mga senador na makipag-pulong na sa kanila habang break upang kaunti na lang ang aayusin oras na isalang sa bicameral conference committee ang budget.
Bukas din aniya ang kanyang opisina para kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco upang makibahagi ito sa pagtalakay sa budget.
Pinayuhan muli ng Taguig solon si Velasco na isantabi na muna ang politika at unahin ang budget.
Aniya pa, sa oras na mayroon nang numero si Velasco ay handa naman siyang bumaba sa pwesto.