Ipupursige ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na tapusin ang deliberasyon at aprubahan ang P4.5 trillion na 2021 national budget sa katapusan ng Setyembre.
Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, batid nila na ‘very ambitious’ ang schedule na kanilang itinakda para ipasa ang pambansang pondo at isumite sa Senado.
Kung sakali aniyang masunod ang kanilang timeline ay maaaring malagdaan ng Pangulo ang 2021 national budget sa kalagitnaan o huling linggo ng Nobyembre bilang simbolo ng pagkakaisa ng bansa.
Tiniyak naman ni Cayetano sa publiko na magiging transparent ang Kamara sa isasagawang budget hearings.
Sinabi niya na uunahin nilang bigyan ng kopya ng budget ang mga taga- oposisyon at makikinig muna sa kanila upang masiguro na ang pambansang pondo ay produkto ng buong Kongreso na kumakatawan sa mga Pilipino at hindi lang ng administrasyon.
Sa Biyernes ay nakatakda nang umpisahan ang budget deliberation kung saan unang sasalang ang mga ahensya sa ilalim ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).