Nanindigan si Incumbent Speaker Alan Peter Cayetano na bubuksan muli ang sesyon para sa budget deliberation ngayong araw sa ilalim pa rin ng kanyang pamunuan.
Ito ay kahit pa 186 na mga kongresista o lagpas kalahati ng kabuuang bilang ng mga mambabatas ang bumoto para palitan na ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco si Cayetano sa isinagawang sesyon kahapon sa Celebrity Sports Club sa Quezon City.
Ayon kay Cayetano, tingnan na lamang ang mangyayari ngayong araw at kung sa huling minuto ay tatanggalin sila sa pwesto, tiniyak niya na sila ay magtatrabaho pa rin para sa pagpapatibay ng national budget.
Pakiusap ng kongresista sa kampo ni Velasco, huwag manggugulo sa deliberasyon ng pambansang pondo at gawin muna ang pag-apruba sa budget saka atupagin ang pulitika.
Kumpyansa si Cayetano na mabilis nilang matatapos ng dalawa hanggang tatlong araw ang budget dahil tapos naman na aniya ito sa 2nd reading bukod pa sa binuong small committee na tumanggap sa mga individual amendments.
Sakali mang nasa kampo ni Velasco ang Mayorya ay hindi naman problema ang pag-alis niya sa pwesto.
Hamon niya sa kampo ni Velasco, dalhin ang papel at magkumpara sila sa mga lumagdang kongresista para makita ang totoong bilang ng mga supporters.
Mababatid na 186 ang bumoto pabor kay Velasco gayong naglabas naman ng manifesto si Cayetano na mahigit 200 na mga kongresista ang nakapirma.