Cauayan City, Isabela- Nasungkit ng grupo ng Letrang Norte mula sa Tuguegarao City Cagayan ang Kampeonato sa katatapos na Kanto Canta Song Writing Competition ng Cultural Center of the Philippines (CCP) nitong Hunyo 30, 2021.
Ang Letrang Norte ay binubuo nina Rebecca Ruth Magalong Resuello, Louie Kem Mallonga Babaran at Angelica Cusipag Bancud na pawang mga taga-Lungsod ng Tuguegarao.
Sa nasabing patimpalak, maraming talentadong mang-aawit ang lumahok ngunit dahil sa husay at galing ng Letrang Norte Productions ay nakamit nila ang tagumpay.
Pinamagatan ng grupo ang kanilang original entry na “Tahanan” na kantang nagpanalo sa mga ito.
Naging hurado naman sa nasabing kompetisyon ang ilang kilalang mga song writer na sina Noel Cabangon at Nyoy Volante.
Inihayag ng nanalong grupo na iniaaalay nila ang kampeonato sa buong Lalawigan ng Cagayan, kasabay ng pagdiriwang ng ika-438th Aggao Nac Cagayan.
Ang Kanto Canta ay handog ng CCP sa pakikipagtulungan sa PAGCOR at Wide scope Entertainment.