Cauayan City, Isabela- Hindi na nakapagtala sa ngayon ang Regional Crop Pests Management Center (RCPMC) ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ng mga palayan na pinipinsala ng Brown Plant Hopper sa Cagayan Valley.
Ayon kay Minda Flor Aquino, Chief ng RCPMC na nakabase sa City of Ilagan, wala ng insidente ang napepeste ng BPH sa ginawang pag-iikot ng kanilang tanggapan sa ilang lugar na una nang napaulat na apektado ng naturang peste
Batay sa pinakahuling datos, umaabot sa 517 ektarya ang nasira ng BPH sa 1,486 ektaryang apektado sa buong rehiyon.
Ang pinakamalaki ay ang Cagayan na mayroong 1,188 ektarya, Isabela 209 ektarya at Nueva Vizcaya 88 ektarya. Walang naitalang kaso sa Quirino at Batanes.
Samantala, muling nagpaalala ang opisyal sa mga magsasaka na mag-ingat sa posibleng infestation ng Rice Tungro Virus (RTV) sa mga pananim.
Aniya, ayon sa kanilang historical data ng peste sa limang taon (2015-2019), mataas ang kaso ng RTV mula buwan ng Hunyo hanggang Agosto.
Matatandaang pinakahuling kasong naitala noong kalagitnaan ng Abril 2021 kung saan umaasa si Aquino na tuloy-tuloy na ito lalo na sa mga lugar na nananatiling may mga pananim.