Ibinunyag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagkaroon din siya ng pulong mula sa mga kamag-anak ng pamilya Ampatuan.
Ito’y matapos batikusin sa pagkakaroon ng meeting sa mga kamag-anak ng convicted rapist-murderer na si Antonio Sanchez.
Si Panelo ay dating abogado ni Andal Ampatuan Jr. Na itinuturong mastermind sa Maguindanao Massacre noong 2009.
Ayon kay Panelo, nakipagpulong sa kanya ang mga miyembro ng pamilya Ampatuan matapos i-refer sa kanya ng Office of the President.
Humihiling ang pamilya Ampatuan na manghimasok na si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso.
Giit ni Panelo na walang masama kung humingi ng tulong ang mga Ampatuan dahil lahat naman ay umaapela ng tulong.
Sa isang liham na may petsang July 17 na ipinadala ng Office of the President-Appointments Office sa tanggapan ni Panelo, lumalabas na isang Jehan-Jehan Ampatuam-Lepail at bai Soraida Biruar-Ampatuan ang humiling ng meeting kay Pangulong Duterte.
Pero lumabas din sa sulat na hindi magagawa ng pangulo na makipagkita sa mga ito dahil sa kanyang “hectic schedule,” kaya ini-refer sila ng Appointments Office sa opisina ng Chief Presidential Legal Counsel.
Nangyari ang pulong ng mga Ampatuan kay Panelo noong Agosto 13 base sa logbook ng new executive building.