Pamilya Castillo, nagsasagawa ng fund raising activity

Manila, Philippines – Kumakalap ng pondo ang pamilya Castillo para sa inaasahang mahabahaba pang proseso sa pagkamit ng hustisya para kay Horacio “Atio” Castillo III na biktima ng hazing ng Aegis Juris Fraternity.

Ayon sa ninong ni Atio na si David Amor, nagsimula na ang fund raising activity ng Colegio de San Agustin batch ’86.

Ang makakalap na pondo ay ibibigay sa pamilya Castillo bilang tulong sa mga gagastusin kabilang na dito ang pambayad sa mga abugado.


Kahapon, sinabi ng tito ni Atio na si Dr. Gerardo Castillo na kukuha pa sila ng mga karagdagang abugado upang mabilis na umusad ang kaso.

Sinabi din nito na kawalan ng Aegis Juris fraternity ang ginawang brutal na pagpatay kay Atio.

Ito ay dahil maliban sa nawalan sila ng isang mahusay at magaling na miyembro, sira na o wala na ring kredibilidad ngayon ang Aegis Juris kaya wala nang sasali pa sa kanilang samahan.

Si Atio ay ihinatid na sa huling hantungan kahapon sa Manila Memorial Park.

Facebook Comments