Manila, Philippines – Kasunod ng ikinakasang manhunt operation ng mga otoridad sa 9 na indibidwal na posibleng sangkot sa brutal na pamamaslang sa UST Law freshman student na si Horacio “Atio” Castillo.
Umaasa ang pamilya nito na agad matutunton ang kinaroroonan ng 8 opisyal ng Aegis Juris Fraternity at ni John Paul Solano na siyang nagdala sa pagamutan kay Castillo.
Kanina, sinabi ni MPD spokesperson Supt. Erwin Margarejo na itinuturing na nilang mga pangunahing suspek ang 8 opisyal ng Aegis Juris Fraternity at si Solano.
Nananawagan din ang pamilya Castillo kay UST Dean Nilo Divina na kilalang opisyal ng Aegis Juris Fraternity na kung may alam ito sa kinaroroonan ng kanilang mga opisyal at miyembro ay agad ipagbigay alam sa mga otoridad.
Nanalangin ang pamilya Castillo na hindi kokonsintehin ni Dean Divina ang kanyang mga ka-frat.
Samantala, tuloy-tuloy naman ang pagdalaw sa ikalawang araw ng lamay ni Atio ng kanyang mga kamag-anak, mga kaibigan at kaklase dito sa Sanctuario de san antonio Parish, Forbes park Makati City.