Pamilya, himalang nakaligtas sa buhawi habang nasa loob ng isang maliit na kwarto

(Andrew Phillips via AP)

MISSISSIPPI – Himalang nakaligtas mula sa pagragasa ng buhawi ang isang pamilya habang nasa loob ng maliit na silid na tinatawag nilang “safe place” sa kanilang bahay.

Kwento ng amang si Andrew Phillips, agad niyang tinawag ang asawa’t dalawang anak nang biglang dumating ang buhawi Linggo ng hapon sa kanilang lugar.

Sa tulong ng naturang kwarto, nakaligtas si Phillip, ang asawang si Amber, at dalawang anak edad 2 at 6 na buwan.


Ayon sa ulat ng the Post, nanood noon ng Easter service ang pamilya nang bigla umanong nasubaybayan ni Phillip ang lagay ng panahon sa pamamagitan ng isang fire radio.

Nang mapagtanto niya na malapit na sa kanila ang buhawi, hindi na umano siya nagdalawang isip na dalhin ang asawa’t mga anak sa maliit na silid.

Nakita nila umano ang makapal na tila ulap sa labas ng bahay kaya kumuha si Phillip ng maraming unan habang yakap-yakap ang kanyang mag-iina.

Aniya, tumagal ng nasa 20 segundo ang buhawi at matapos ito, tumambad ang sira-sira ng mga bahay maliban sa kanilang “safe room”.

Base sa salaysay ni Phillip, ilang linggo pa lang sila umanong naninirahan sa kanilang bahay at isa ang naturang safe room sa dahilan kung bakit niya ito binili.

Dahil sa trahedya, maraming bahay ang napinsala maging ang mga puno sa lugar ay nadurog.

Ayon naman kay Phillip, ipagkakatiwala na lamang nila sa insurance ang nasirang ari-arian.

Sabi niya, “I’m just going to let the insurance handle it and trust in the good Lord.”

Facebook Comments