Dismayado ang pamilya Mabasa sa tila pananamihik ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hinggil sa kaso ng pagpaslang sa mamamahayag na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Ayon sa kapatid nitong si Roy Mabasa, nakalulungkot na walang sinasabi ang pangulo hinggil sa nangyari at hindi rin ito nakikipag-usap sa kanila.
“Ang buong mundo ay nakatitig sa atin, para ang gobyerno naman ay gumalaw. Ito ang golden opportunity kaya tayo e nanghihinayang noong si Pangulong Bongbong Marcos ay nagsalita doon sa isang kapulungan ng mga media noong nakaraang linggo, hindi man lang niya binanggit ang kaso ng aking kapatid. Nagpahayag siya na susuporta at bibigyan ng seguridad ang mga mamamahayag subalit walang ni-lay down na konkretong polisiya,” pahayag ni Mabasa sa interview ng RMN DZXL 558.
Nagpasalamat naman si Mabasa sa limang milyong pisong pabuya na inilabas ng Kamara para sa agarang ikadarakip ng mga nasa likod ng pagpasalang kay Lapid.
Umapela rin siya sa Kongreso at sa pamahalaan na huwag bibitawan ang kaso ng kanyang kapatid.
Handa rin daw siyang makipagtulungan sa Kongreso para sa paggawa ng batas na magbibigay proteksyon at puputol sa sistema ng pagpatay sa mga miyembro ng media.
“From 1986, halos nasa 200 journalist na ang napapatay subalit walang nare-resolve. Gagawan po natin sana ng draft bill ito upang matulungan din ang pamahalaan,” aniya.
“Sapagkat, kung walang mare-resolve ay kinakabahan tayo na itong kaso ng ating kapatid na si Ka Percy e mauwi na lang sa numero,” giit pa niya.
Kahapon, inilabas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mas malinaw na larawan ng ‘person of interest’ sa pagpatay kay Percy Lapid.
Gayunman, blanko pa rin ang pulisya sa motibo ng krimen.