Pamilya Mabasa, hindi pa handang magpatawad hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa pagkamatay ni Percy Lapid

Pinanghahawakan ngayon ng pamilya Mabasa ang pangako ng sumukong gunman na si Joel Escorial na makipagtutulungan ito sa mga awtoridad upang mahuli ang mastermind sa pagpatay kay Percy Lapid.

Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ng kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa na hindi pa handa ang kanilang pamilya na patawarin si Escorial sa kabila ng pagsuko nito.

Aniya, mahirap para sa kanilang pamilya na magpatawad hangga’t hindi nila nakakamit ang hustisya.


“Nung nagharap kami, pinakiusapan ko siya. Kung talagang sincere siya ha, makipagtulungan siya sa amin na mahanap namin kung sino yung sinasabi niyang middleman kasi ang bottomline namin dito, e makita namin yung mastermind,” pahayag ni Mabasa.

“Siguro, hangga’t hindi namin nakukuha yung hustisya, ang pamilya, sisiguraduhin ko sa kanya, hindi kayang magpatawad at this time. Kukunin muna namin yung hustisya. At kung makikipagtulungan siya, tao rin naman kami e, marunong kaming magpatawad, malambot ang aming mga puso, hindi naman mahirap pag-usapan ‘yon,” giit pa niya.

Matatandaang sumuko ang gunman nitong Martes matapos na matakot para sa kanyang kaligtasan.

Base pa sa pagtatanong ni Mabasa kay Escorial, nagdesisyon daw na lumantad ang suspek matapos silang tawagan ng “middleman” at payuhang magtungo sa “safehouse” matapos na malantad ang kanyang mukha.

Ang pagkakaintindi umano ng suspek sa safehouse ay papatayin na sila.

Facebook Comments