Pamilya Mabasa, wala nang natatanggap na death threat; isa sa mga nagbabanta, tukoy na ng PNP

Natigil na ang mga pagbabanta sa pamilya ng pinaslang na broadcaster na si Percy Lapid.

Sa interview ng RMN Manila, kinumpirma ni Roy Mabasa na natukoy na ng Philippine National Police (pnp) ang pagkakakilanlan ng isa sa mga nagbabanta sa kanilang pamilya.

Sa kabila nito, hindi pa rin aniya sila mapapanatag hangga’t hindi lumulutang ang mga itinuturong mastermind sa pagpatay sa kanyang kapatid na sina suspended Bureau of Corrections General Gerald Bantag at Deputy Security Officer Ricardo Zulueta.


“Merong balita tayo na natukoy ‘yung isa sa nagte-threat ano. Binanggit sa’tin yan nung isa sa nag-iimbestiga. Natukoy na nila yung kinalalagyan, pati pangalan, pati pagkakakilanlan, nakausap na rin nila,” ani Mabasa.

“Medyo sa isang banda, lumuwag yung aming kalooban, but still, for as long as yung mga tinaguriang principal at mga mastermind ay nasa labas, hindi po kami matatahimik at hindi po kami pwedeng mag-relax.”

Umaasa naman si Mabasa na sa mga susunod na araw ay may lulutang nang abogado ni Zulueta para magsumite ng counter affidavit.

Kasunod na rin ito ng impormasyong nakarating sa kanila na may sinusundan nang lead ang PNP sa kinaroroonan ni Zulueta.

“Sinabi nila sakin na meron silang mga siting ni Ginoong Zulueta subalit ayaw nilang sabihin kung saan at meron silang monitoring na ginagawa na s akanilang palagay ay buhay pa ito. So, tayo ay partially na-relieve kahapon dun sa balitang ‘yon,” saad ni Mabasa.

“Gusto rin nating makita talaga itong si Ginoong Zulueta sapagkat sa mga affidavit ng mga PDL, ng mga gang leader, siya yong isa sa prominently mentioned sa kanilang mga statement tsaka yung role na ginampanan niya ay kritikal doon sa ginagawang imbestigasyon ng DOJ,” dagdag niya.

Facebook Comments