Pamilya, nakatanggap ng 55,000 kopya ng iisang sulat mula sa loan company

Nakadalawang balik sa post office ang isang lalaki sa Ohio, USA para hakutin ang nakapangalan sa kanyang 55,000 na sulat mula sa student loan company.

Nagtaka si Dan Cain noong may isang postal worker sa Twinsburg ang nagsabi na hindi na magkasya sa opisina ang mga sulat para sa kanya.

Nang puntahan ito, bumungad sa tatay ang sumatotal na 79 karton, bawat isa ay naglalaman ng 700 kopya ng pare-parehong sulat, ayon sa ulat ng WOIO-TV.


“I was shocked. Are you kidding me? Who makes that kind of mistake?” ani Cain sa ahensya.

Humingi naman na raw ng paumanhin ang College Avenue Student Loans na nangatwirang dulot ito ng error o glitch sa mailing system.

Dagdag pa rito, nagkamali rin daw ng nailagay sa sulat na halaga ng babayaran ni Cain, na ipinagpaumanhin din ng kompanya.

Sinabi ng kompanya na magpapadala sila ng bago at tama nang sulat na sinagot naman ng tatay ng, “I just hope it doesn’t happen again. I might have to return to sender.”

Sa naturang kompanya kumuha ng student loan si Cain at kanyang asawa para sa tuition ng kanilang anak na babae.

Tantiya ni Cain, gumastos ang kompanya ng halos $11,000 (higit P500,000) sa pagpapadala ng 55,000 sulat.

Plano niyang sunugin na lang ang lahat ng ito.

Facebook Comments