Aabot sa 746 na pulis na ang pamilya ay naapektuhan ng matinding pagbaha sa Cagayan dulot ng Bagyong Ulysses.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas sa kanyang unang speech bilang PNP Chief sa flag raising ceremony sa Camp Crame.
Aniya, agad na tinulungan ang pamilya ng 746 na pulis na ngayon ay nasa PNP Camp at PNP stations.
Nabigyan na rin ng tig-5,000 pesos ang 746 pulis na ito para panimula sa repair ng kanilang nasirang bahay.
Sinabi ni Sinas, mahalaga na agad natutulungan ang pamilya ng mga pulis na apektado para mas makapag-perform sila ng maayos sa kanilang trabaho sa panahon ng kalamidad.
Samantala, sinabi pa ni PNP Chief, nagpapatuloy ngayon ang search and retrieval operation ng mga pulis sa Cagayan.
Nakadeploy pa rin aniya sa Cagayan ang dalawang helicopter ng PNP, 11 rubber boats ng PNP maritime, dalawang platoon ng PNP Special Action Force, tatlong ambulansya at limang PNP trucks.
Sila ay ginagamit sa search and retrieval operations at pamamahagi ng relief packs sa mga evacuees na ngayon nanatili pa rin sa mga evacuation centers.
Tiniyak naman ni General Sinas na sa harap nang patuloy na pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo, sumusunod ang mga pulis sa ipinatutupad na minimum health protocols dahil sa COVID-19 pandemic.