Tuesday, March 3, 2026

Pamilya ng kababayang nasawi sa gitna ng tensyon sa Middle East, pinatutulungan na ng isang senador

Nakikipag-ugnayan na ang tanggapan ni Senator Raffy Tulfo sa pamilya ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Ann Velasquez de Vera na nasawi matapos tamaan ng missile ang apartment nito sa Tel Aviv sa ginawang pag-atake ng Iran sa Israel.

Tinawagan na ng opisina ng senador ang pamilya ng nasawing caregiver para magbigay ng nararapat na tulong.

Nakikipagtulungan na rin aniya ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamilya ng OFW kasama na ang pagpapabalik sa mga labi ng nasawing kababayan.

Hiniling naman ni Tulfo sa DMW na mag-reach out o tukuyin ang mga undocumented OFWs at mga turistang naipit sa tensyon na hindi makauwi sa bansa na bigyan ng kinakailangang tulong.

Naka-standby na rin aniya ang C-130 at mga barko ng militar sakaling kailanganin ng DMW ng tulong para sa pagpapauwi ng mga OFWs kapag humupa ang sitwasyon.

Facebook Comments