Pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre, hihirit ng dobleng danyos

 

Nakatakdang iapela sa Korte ng mga kaanak ng mga biktima sa Maguindanao massacre case na hilinging gawing doble ang matanggap nilang danyos mula sa mga akusado sa krimen.

 

Sa pahayag ng abogado ng 18 sa mga biktima ay sinabi ni Atty. Harry Roque na marapat lang na madoble ang civil damages na ibibigay sa pamilya ng mga biktima lalo pa at matatagalan pa bago ito makuha o maibigay.

 

Ito anya ay dahil iaapela pa ng mga akusado ang hatol na guilty na ipinataw ni Judge Jocelyn Solis-Reyes sa ilang miyembro ng pamilya Ampatuan na pangunahing mga akusado sa krimen.


 

Nakasaad sa desisyon ni Judge Solis-Reyes na magbayad ng danyos ang mga Ampatuan sa mga naulila ng mga biktima ng halagang 350 thousand pesos hanggang 23.5 million pesos.

 

Samantala sinabi naman ng Department of Justice na posibleng abutin pa ng ilang taon bago makuha ng mga kaanak ng mga biktima ang kanilang danyos dahil maaari pang dumulog o umapela sa Korte Suprema ang mga Ampatuan.

Facebook Comments