Pinagkalooban ng ayuda ng Provincial Government ng Maguindanao ang mga pamilya ng mga nabiktima ng pagkalunod sa bayan ng Upi Maguindanao noong nakaraang linggo.
Mismong si Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu kasama sina Board Member King Mangudadatu ang nag-abot ng financial assistance sa mga pamilya ng mga nasawing si Ronaldo Moalik ng Brgy. Rifao at mag- iinang sina Linda Mudungel at mga anak nitong sina Melanie 11 anyos at Richel 1 year old na mga residente ng Brgy. Bentek ayon pa sa impormasyong ipinarating ni Peoples Medical Team Head Ms. Lynette Estandarte sa DXMY
Dumalo rin sina Upi Mayor Ramon Piang at mga Barangay Kapitan na sina Jovencio Cario ng Rifao at Jolito Minted ng Bentek.
Matatandaang magkahiwalay na nalunod ang mga biktima sa mga ilog ng Upi sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan noong weekend.
Bagaman nangulilila pa rin ang mga naiwang pamilya, nagpapasalamat na lamang ang mga ito sa tulong na ipinagkaloob ng pamahalaan.
Bukod sa pinansyal na tulong sinasabing pinagkalooban din ng pangkabuhayan ang mga pamilya ng mga biktima.