Patuloy na kinikilala ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang mga medical frontliner na humarap at nagbuwis pa ng buhay sa paglaban kontra COVID-19.
Kaya naman muling nagpaabot ng tulong pinansyal ang DOH-MMCHD sa dalawang pamilya ng nasawing health workers sa National Capital Region o NCR.
Personal na iniabot ni DOH-MMCHD Director Gloria Balboa ang death compensation sa pamilya ng dalawang nasawing health workers sa kanilang head office sa Mandaluyong City na nagkakahalaga ng tig-1 milyong piso.
Ayon kay Balboa, pagpapakita ito ng pagpapahalaga at pagpapasalamat ng Pamahalaan sa mga health worker na nagbuwis buhay mapagaling lamang ang mga Pilipino na tinamaan ng COVID-19.
Laking pasasalamat naman ng pamilya ng dalawang health workers lalo’t makatutulong ng malaki ito lalo na sa pag-aaral ng mga naulilang anak ng kanilang yumaong mahal sa buhay.