Cauayan City, Isabela- Nagpaabot ng pakikiramay ang Overseas Workers Welfare Administration Regional Welfare sa naulilang pamilya ng seafarer na si Jake Marinduque mula sa Naguilian, Isabela.
Pinangunahan ng OWWA-Regional Welfare Office 02 (OWWA-RWO2) sa pamumuno ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, OWWA Deputy Administrator Rodrigo Pascua Jr., RWO2 Officer-in-Charge Juvilyn Anne B. Gumabay, Mr. Alvin Ayson at Mr. Eusebio Bangayan Jr. OWWA Staff ang pakikiramay sa pamilya ng OFW sa tanggapan ng LGU Naguilian.
Bagama’t wala pang pinal na araw ng pagdating sa bansa ng nasabing OFW, tiniyak pa rin ni Sec. Bello sa pamilya nito na gagawin ang lahat para mapauwi sa madaling panahon ang nasabing Filipino Seafarer.
Kaugnay nito, pinagkalooban din ng DOLE ng Death Benefit na nagkakahalagang P200,000 at P20,000 Burial Benefit ang pamilya ng OFW dahil aktibong miyembro ng OWWA ang nasabing OFW.
Tatanggap din ng OWWA Education and Livelihood Assistance Program kung saan ang immediate beneficiaries nito ay makatatanggap ng P15,000 na halaga ng livelihood assistance.
Samantala, iginawad rin ang Bereavement Assistance na nagkakahalagang P20,000 kay Daisy Reyes, maybahay ng yumaong si Ruben Andaya na namatay sa atake sa puso lalo pa’t ‘inactive’ na ito sa OFWs Membership ng mataon ang pagkamatay nito.
Nabatid na namatay si Marinduque sa isang aksidente sa kasagsagan ng masamang panahon habang nagtatrabaho sa barko sa bansang Canada.