PAMILYA NG NAMATAY SA AKSIDENTENG KINASASANGKUTAN NG DELIVERY TRUCK, HUMIHINGI NG HUSTISYA

Hustisya ang sigaw ng ilang mga kaanak ni Delfin Clavo matapos ang kalunos-lunos na sinapit nito nang aksidente itong mabangga ng isang delivery truck sa kahabaan ng National Highway ng Nungnungan 2, Cauayan City, Isabela nitong madaling araw ng ika-6 ng Disyembre taong kasalukuyan.

Ayon sa naging ekslusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kapatid ni Delfin na si Larry Clavo Jr., tila isang bangungot kung mailalarawan ang biglang pagkawala umano ni Delfin.

Ang isa pa umano sa kanilang ikinalulungkot ay dahil mayroong dalawang anak si Delfin na nasa edad lima (5) at tatlo (3) gulang ang maagang naulila sa kanilang ama.

Ayon naman sa lola ni Delfin, lumabas lamang umano ang kaniyang apo upang kumain ng lugaw at pauwi na sana nang mangyari ang aksidente.

Aniya, nakalulungkot man umanong isipin ngunit wala na rin silang magagawa kundi ang magluksa at ang tanging hiling na lamang nila ay mabigyan ng hustisya ang biglaang pagkawala ng kaniyang apo.

Samantala, kasalukuyan na ang ginagawang paglalakad ng mga papeles sa pagsasampa ng kaso ang magulang at asawa ng biktima na si Delfin upang papanagutin ang may sala sa biglaang pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.

Facebook Comments