Pamilya ng Napatay na Carnapper, Hindi Kumbinsido sa Pahayag ng Kapulisan!

*Cauayan City, Isabela- *Hindi naniniwala ang mga kaanak ng napatay na suspek sa pahayag ng kapulisan na di umano’y isa itong carnapper matapos ang engkwentro na nangyari sa Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City kahapon ng madaling araw.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Nestor Guzman, kuya ng napatay na suspek na si Noel Guzman, isa lamang aniya na tricycle driver ang kanyang kapatid sa lungsod ng Tuguegarao subalit hindi rin nito mabatid kung bakit napunta ang kanyang kapatid sa Lalawigan ng Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan City, nasa drug watchlist ng Probinsya ng Cagayan ang suspek at minamanmanan naman ito sa lungsod ng Cauayan.


Kaugnay nito, naulila ni Guzman ang kanyang nag-iisang anak na kasalukuyang nasa ikaapat na baitang sa elementarya.

Magugunita na nitong madaling ng Septyembre 6, 2019 nang mangyari ang palitan ng putok ng baril sa pagitan ni Guzman at ng mga kasapi ng PNP Cauayan matapos na umano’y manlaban nang ito ay lapitan at hanapan ng kaukulang dokumento matapos makita na nagbabaklas ng plaka ng motorsiklo na pagmamay-ari ni Arman Madriaga.

Samantala, iuuwi na ngayong araw ang mga labi ng suspek sa kanyang tahanan sa Bayan ng Enrile, Cagayan.

Facebook Comments