Tiniyak ng pamunuan ng Philippine Air Force (PAF) na makakatangap ng sapat na tulong ang pamilya ng nasawing sundalo at mga nasugatan.
Ito ay matapos na bumagsak ang kanilang sinasakyang Attack Helicopter habang nagsasagawa ng maintenance flight sa Jetafe, Bohol.
Ayon kay PAF Spokesperson Lieutenant Colonel Maynard Mariano, kahapon ay agad na tumungo sa Mactan Cebu si PAF Commanding General Lt. Gen. Allen Paredes para personal na makita ang kalagayan ng mga nakaligtas sa aksidente.
Ang mga nakaligtas sa aksidente ay sina Airman 1st class (A1C) Rex Anapio at A1C Bonn Arasola habang hindi pa isinapubliko ang pangalan ng isa dahil sa medical condition ng magulang.
Sila ngayon ay ginagamot sa Mactan Cebu na dinalaw agad kahapon ni Paredes.
Habang binigyan naman ng full military honors ni Paredes at mga senior officer ng PAF ang namatay sa pagbagsak sa aksidente na kinilalang si Captain Aurelius Olano, ang pilot-in-command ng bumagsak ng helicopter.
Nakikiramay rin ang buong Air Force sa pagkamatay ni Olano.
Mensahe naman ni Paredes sa lahat ng kanilang piloto at crew na mas pataasin pa ang kanilang morale at bigyang halaga ang kanilang kaligtasan habang tinutupad ang kanilang tungkulin.