Inilagay na ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA sa isang safe house ang pamilya ng Pinay OFW na pinaslang sa Kuwait.
Sa interview ng RMN Manila, kinumpirma ni OWWA chief Administrator Arnell Ignacio na nasa ligtas nang lugar ang buong pamilya ng OFW na si Jullebbe Ranara kasunod na rin ng hiling ng kanyang pamilya na tahimik silang makapagluksa.
Tiniyak din ni Ignacio ang tulong ng OWWA sa iniwang pamilya ng biktima.
Ang trenta’y singko anyos na Pinay OFW ay pinatay at sinunog bago itapon sa desyerto ang bangkay nito sa kuwait.
Agad naman sumuko sa awtoridad ang disi-siete anyos na suspek na anak ng kanyang employer.
Mahigpit na tinututukan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kaso upang agad na mabigyan ng hustisya ang pagpaslang sa ating kababayan.