Manila, Philippines – Nagsampa na ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ng sanggol na nabaril sa anti-drugs operation ng pulisya sa Pandacan, Maynila.
Nais malaman ng pamilya kung may pananagutang administratibo o kriminal ang mga pulis.
Nabatid na napatay sa operasyon ang target na drug suspect at operator ng isang video karera na si Edwin Torre alyas ‘Utak’.
Pumasok ang suspek sa bahay ng pamilya roxas at kinuha ang sanggol na si ‘Baby Ali’ para gawing human shield.
Ayon sa lola ng sanggol – nasa ligtas nang kalagayan ang kanyang apo matapos magtamo ng tatlong tama ng bala.
Pangamba naman ng lola, nememeligrong hindi na makalakad ang bata dahil sa tinamong sugat sa paa.
Isinisisi naman ng pamilya ang mga pulis na tumugis sa suspek sa nangyari sa bata.
Depensa naman ni Manila Police District (MPD) Station 1 Commander, Supt. Rolando Gonzales – hindi na sila nagsagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Aniya, may hawak silang affidavit ng lola na nagsasabing hindi mga pulis ang nakabaril sa kanyang apo.
Pero iginiit ng lola, diniktahan siya ng mga pulis.
Base sa spot report ng MPD station 10, ang station drug enforcement team sa pamumuno ni Sr/Insp. Val Valencia ang nagsagawa ng nasabing operasyon.
DZXL558