Naghain ang kampo ng youth activist na si Alexandrea Pacalda ng petisyon para sa habeas corpus sa Supreme Court.
Sa isang advisory, sinabi ng human rights group na Karapatan na mismong ang ama ni Pacalda ang nagtungo kanina sa mataas na hukuman para hilingin na utusan ang militar na palayain ang kanyang anak.
Si Pacalda ay nanatiling nasa kustodiya ng 201st Infantry Brigade ng Philippine army, sa Calauag , Quezon.
Pinalagan ng grupo ang pagbabanta ng militar kay Pacalda na kakasuhan.
Kasunod ito ng lumabas na video na binabawi nito ang nauna niyang pinirmahang salaysay na nagsasaad na kusa siyang sumuko sa militar.
Iginiit ng Karapatan na wala pang pormal na kaso laban kay Pacalda kung kaya’t dapat na maibalik na ito sa piling ng kaniyang pamilya.