Pamilya ni Mary Jane Veloso, hiniling sa Korte Suprema na pabilisin ang pagdinig sa kaso

Nananawagan ang kaanak at mga tagasuporta ni Mary Jane Veloso sa Korte Suprema na pabilisin ang pagdinig sa kaso laban sa kanyang mga recruiter.

Ito’y upang makapagbigay na siya ng testimonya bilang biktima ng human trafficking at illegal recruitment.

Ayon sa apelang inihain ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), hiniling nila sa Korte Suprema na payagan ang pagpapatuloy ng paglilitis sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong, kung saan kasalukuyang nakakulong si Veloso.

Ang mga kasong isinampa sa Regional Trial Court Branch 89 sa Nueva Ecija laban kina Christina Sergio at Julius Lacanilao ay may kinalaman sa human trafficking, illegal recruitment, at estafa, kung saan si Veloso ang pangunahing testigo at biktima sa kaso.

Ipinahayag naman ng Migrante International ang pagkadismaya sa mabagal na pag-usad ng kaso matapos ang sampung buwan na pagkakakulong sa Pilipinas, kaya’t nananawagan din sila sa administrasyon na isaalang-alang ang apela para sa executive clemency sa makataong dahilan.

Patuloy na umaasa ang pamilya ni Mary Jane, lalo na ang kanyang ina na si Celia Veloso, na mangingibabaw ang hustisya sa kaso ng anak.

Facebook Comments