Dahil nagkakaubusan na umano ng libingan sa Guayaquil, Ecuador, sinubukan ng isang pamilya na maitakas ang bangkay ng kanilang kaanak habang nasa loob ito ng sasakyan – sa pamamagitan ng pagpapanggap na natutulog lamang ito.
Sa isang video na ipinalabas ng El Comercio sa Twitter, mapapanood ang ilang armadong lalaki na tila nagsasagawa ng checkpoint sa mga nagdaraang sasakyan kabilang na ang asul na kotse ng naturang pamilya.
INVEROSÍMIL
Llevaban a un muerto en el auto y lo hicieron pasar por dormido.
El colapso del sistema funerario y de los cementerios en Guayaquil ocasiona escenas salidas de un guión de película de terror jamás escrito. pic.twitter.com/iQI0ntGLmr
— Periodismo en buseta (@relicheandres) April 9, 2020
Paulit-ulit daw na sinasabihan ng military officers ang mga pasahero na gisingin ang natutulog nilang kasama na nakaupo sa pagitan ng dalawang miyembro ng pamilya.
Ngunit iginigiit ng mga ito na natutulog lamang ang kanilang kasama.
Makalipas ang ilang sandali ay napagtanto ng mga armadong lalaki na patay na nga ang natutulog na pasahero.
Sa huli ay inamin naman ng isa sa mga kaanak na wala na ngang buhay ang kanilang kasama.
Kinatatakutang namatay ang 62-anyos na lalaki dahil sa coronavirus ngunit nakumpirmang binawian ito ng buhay dahil sa heart attack at diabetes.
Ayon sa pamilya nito, sinusubukan lamang nilang itakas ang bangkay ng kaanak sa lugar dahil imposible na raw itong mabigyan ng libing dahil sa kasalukuyang estado ng mga libingan doon.
Sa huli ay pinayagan na rin ng awtoridad ang naturang pamilya na ilibing ang bangkay ng kaanak sa kalapit na lugar na Cerecita ayon sa report.