Isang pamilya sa Virginia, USA ang nakadiskubre ng mga bag na may lamang halos $1 milyon sa gitna ng biyahe.
Dala ng pagkabugnot sa coronavirus lockdown, nagpasyang magmaneho ang mag-asawang David at Emily Schantz kasama ang kanilang mga anak noong Sabado nang madaanan nila ang mga bag.
Inakala umano nila na bag lang ng mga basura ang nakaharang sa daan kaya isinakay nila sa pickup truck at dinampot na rin ang isa pang bag sa malapit.
Pagka-uwi lang daw nalaman ng mga Schantz na pera ang laman ng mga bag.
“Inside of the bag, there were plastic baggies and they were addressed with something that said ‘cash vault,’” anila sa WTVR.
Ipinagbigay alam nila ang nadiskubre sa awtoridad na agad namang binilang ang pera at inimbestigahan ang posibleng pinagmulan nito.
Ayon sa isang opisyal, natukoy na ng pulisya ang may-ari ng kulang-kulang $1 milyon, ngunit hindi pa rin malinaw kung paano napunta ang mga bag sa gitna ng daan sa Goochland County.
Umaasa naman ang opisyal na bibigyan ng may-ari ng pabuya ang ginawang kabutihan ng pamilya Schantz.
“Their actions deserve nothing less. They saved someone a lot of money and set a wonderful example for everyone else,” aniya.