Cauayan City, Isabela- Umabot na sa mahigit 533,000 pamilya sa unang tranche ang nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan sa buong Cagayan Valley region.
Ayon kay Information Officer Jeanet Lozano ng Pantawid Pamilya Program ng DSWD region 2, nagsimula na rin ang kanilang koordinasyon sa mga Local Government Unit (LGU) sa rehiyon para sa paglilista ng mga pangalan na mabebenepisyuhan ng kaparehong ayuda sa ilalim ng Bayanihan 2.
Aniya, tatanggap pa rin ng P5,500 ang ilang pamilyang nakatanggap na noon ng ayuda ngunit ito ay para sa mga itinuturing na apektado ng localized lockdown gaya ng barangay, zonal containment o mga pagdedeklara sa iba pang kategorya ng lockdown sa isang bayan o siyudad.
Ayon pa kay Lozano, hindi rin maiaalis ang posibleng mapasama sa tatanggap ng ayuda ang mga apektado ng lockdown sa buong bayan o siyudad na una nang naideklara.
Kabilang ang 10 araw o 2 linggo ang isa sa basehan ng makatatanggap ng ayudang tulong pinansyal.
Bukod dito,may mga left-out families din ang tatanggap ng ayuda maliban pa sa mga waitlisted families na una nang nailista ngunit hindi rin napasama.
Sa ngayon ay hinihintay na lang ng ahensya ang pagbaba ng pondo mula sa central office upang maumpisahan na ang pamamahagi ng tulong pinansyal.