Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na higit na matulungan ang mga pamilyang Pinoy na hindi nakakakain ng 2 hanggang 3 beses sa isang araw sa ilalim ng Walang Gutom Program ng ahensiya .
Ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay, ang pinakamahirap na sektor ang prayoridad ng programa na tulungan ng ahensiya at ito ay nagagawa sa pamamagitan ng mga pinakalat na mga social worker na nagbabahay-bahay para magsagawa ng case study kung ano ang mga problema ng kagutuman at ano ang maaaring maging tulong na kailangang ibigay ng ahensiya sa mga mas mahihirap na pamilya.
Paliwanag ni Punay na kasama aniya sa programang ito na malunasan ang malnutrisyon upang matiyak na ang mga buntis at lactating moms ay mabibigyan ng sapat na pagkain ang mga anak.
Dagdag pa ni Punay na bahagi din ng programa na ibsan ang paglipana ng mga pulubi sa mga lansangan lalo na tuwing panahon ng Kapaskuhan.
Aniya sa National Capital Region (NCR) ay may 1,245 indibidwal ang na-profile ng DSWD na mga pulubi sa mga lansangan at sa bilang na ito ay may 753 ay sumama sa DSWD at kanilang natulungan na ang iba dito ay napauwi na sa kanilang mga probinsiya at ang iba naman ay nagkatrabaho na.
Binigyang diin ni Punay na katulong din ng DSWD ang mga Local Government Unit (LGU) at Commission on Human Rights (CHR) sa mga programa ng pagtulong sa mga nangangailangan at kung patuloy ang pabalik-balik ng mga pulubi sa lansangan ay hindi tatantanan ng DSWD na kausapin ang mga ito hangga’t hindi nakikiisa sa mga programa ng ahensiya.
Sa ngayon aniya ay nasa 3,000 pilot implementation ang DSWD sa Food Stamp Program at may target na 300,000 sa Hulyo ng susunod na taon.