*Cauayan City, Isabela- *Nananawagan ngayon si Cagayan Board Member Cris Barcena ng 1st District ng Cagayan kay Cagayan Governor Manuel Mamba na bilisan ang pamimigay ng ayuda sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong sa kanyang Lalawigan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Board Member Cris Barcena, hindi pa umano maramdaman ngayon ng mga Cagayano ang tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan dahil bilang pa lamang umano ang mga nabigyan ng relief goods.
Aniya, nasa dalawa o tatlong barangay pa lamang umano ang nabigyan ng relief goods ng Provincial Government ng Cagayan sa bayan ng Baggao maging sa iba pang bayan dahil sa sobrang bagal umano ng kanilang proseso.
Mas mabilis pa umano ang pagtugon ng mga nasa pribadong sector at ng ating Pamahalaan sa mga biktima ng Ompong sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon pa kay Board Member Barcena, Otomatiko na umanong dapat gamitin yung tatlumpung porsiyento sa kanilang mahigit 98 milyong pisong Calamity fund para sa mga nasalanta ng bagyo.
Kaugnay nito ay nagkaroon umano sila ng regular session kahapon sa pangunguna ng kanilang Bise-Governador upang hilingin sa kanilang Gobernador na bilisan ang pamimigay ng mga relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Ompong sa iba’t-ibang residente ng lalawigan ng Cagayan.