Tuloy pa rin ngayong araw ang pamimigay ng ayuda ng lokal na pamahalaang lungsod ng Valenzuela.
Ang mga residenteng umapela at naaprubahan ng Grievance and Appeals Committee ang nabigyan ng ayuda ngayong araw.
Sa District 1, nasa halos 500 indibidwal ang nakatanggap ng ayuda kaninang umaga.
Samantala, 300 naman ng nasa listahan sa District 2 ang nabigyan ng ayuda ng local government.
Muli namang nilinaw ni Mayor Rex Gatchalian na hindi ang city hall kundi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang gumawa ng listahan ng mga benepisyaryo.
Matatandaan kasi na sa cash aid na P1,000 kada indibidwal o P4,000 kada pamilya sa ilalim ng nakaraang Enhanced Community Quarantine (ECQ), maraming residente ang hindi napasama sa listahan ng mga tatanggap ng ayuda kahit pa umapela sila para sa 1st at 2nd tranche ng Social Amelioration Program (SAP).