Cauayan City, Isabela- Patuloy pa rin ang pamimigay ng mga relief goods sa mga residente na apektado ng pagbaha sa Lungsod ng Ilagan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng Pamahalaang Panlungsod ng Ilagan, pinangunahan ni City Mayor Jay Diaz ang pamimigay ng mga ‘ready to eat’ na pagkain at relief goods sa 54 na mga barangay at mahigit 50 libong indibidwal na apektado ng pagbaha.
Nakapagbigay na rin aniya sila ng mga bota, damit, tuwalya at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng mga apektado.
Kasalukuyan rin ang kanilang clearing operation sa ilang overflow bridges at kalsada sa mga lugar na lubhang nalubog sa baha.
Dagdag pa ni Ginoong Bacungan, bagamat humupa na ang tubig sa kalunsuran ay hirap pa rin silang makapasok sa ilang barangay dahil sa naiwang putik na abot hanggang tuhod.
Samantala, sinuspinde kahapon ni City Mayor Jay Diaz ang pasok sa lahat ng antas ngayong araw sa pampubliko at pribadong paaralan sa Lungsod.