Pamimilit sa mga senador na lumagda sa draft committee report ukol sa Pharmally controversy, itinanggi ni Senate President Sotto

Mariing pinabulaanan ni Senate President Tito Sotto III ang kumalat na text message na nagsasabing pinipilit umano niya ang mga senador na lumagda sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa pagbili ng gobyerno ng umanoy overpriced na pandemic supplies.

Sabi ni Sotto kung mapapatunayan na totoo ito ay magbibitiw siya bilang pangulo ng Senado at babarilin ang sarili sa Luneta.

Diin ni Sotto, wala siyang kinausap kahit isang senador ukol sa Blue Ribbon Report at wala siyang poder na pumilit sa sinumang senador na lumagda sa report na siya mismo ay hindi pumipirma.


Naniniwala ang opisyal na ang nasa likod ng pagpapakalat ng nabanggit na text messages ay layuning sirain ang ugnayan nila ng pangulo na kaniyang kaibigan.

Sa naturang committee report ay inaakusahan si Pangulong Rodrigo Duterte ng betrayal of public trust dahil sa mga naging aksyon nito na may kaugnayan sa Pharmally controversy.

Nirerekomenda rin sa report na sampahan ng plunder, graft at iba pang criminal at administrative charges sina Health Secretary Francisco Duque III, iba pang mga dating opisyal ng gobyerno at mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Facebook Comments